Miyerkules, Enero 29, 2014

Paglisan... (ISANG TALUMPATI)

Mga bagong bayani. Ito ang palagian kong naririnig na itinatawag sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa. Sila ang mga OFW o Overseas Filipino Workers. Sila ang mga bagong bayani ng kasalukuyang panahon. At sila ang nagpapasok ng dolyar sa ating bansa, dolyar na pambayad utang natin sa mga banyaga.
Ako si Jia at binabati ko ang bawat isa ng isang mapagpalayang hapon. Ako ay tumatayo sa inyong harapan upang ipahayag ang aking nararamdaman patungkol sa paglisan.
Mga kabataan, Ito ay isang talumpati, subalit mas ibig kong isapuso ninyo na ito ay isang liham. Liham na nawa’y pumukaw sainyong damdaming makabayan.
Mga kabataan nariyan pa ba kayo? Kung nariyan pa ay nagagalak ako. Marami na kasi ang lumisan… Marami na kasi ang nang iwan.
“Ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan” yan ay ang sinambit ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal. “Palayain ang bayan ng ating mga anak!” yan naman ang mga huling salita na namutawi sa mga labi ng aking paboritong bayani na si Gabriela Silang. Naniniwala akong hindi lamang kalayaan ng ating bansa ang ipinaglaban ng mga pambansang bayaning tulad nila. Kanila ring ipinaglaban ang pag-asang kakabit nito. Pag-asa ng patuloy na pagsibol ng mga bagong bayani na magtatanggol, aakay, magdaramit, aangat at mananatiling tapat sa ating inang bayan.
Subalit nasaan sila? Nasaan? Wala na ba? Andiyan pa ba? Lumisan na ba? Nasaan na sila??? At ang mga naandito pa, naandito pa nga ba? At ang mga susunod bang henerasyon ay mananatili pa???
Ito ang mga katanungang kasalukuyang dumudurog sa aking puso at bumabagabag sa aking isipan. Isinusuka ng aking buong pagkatao ang sistemang umiiral sa bansang ito. Sistemang kolonyal na animo'y isang putang mapang-akit na nagpapalisan sa ating mga kababayan kapalit ng isang mataas na antas ng pamumuhay. At hindi ko pinaniniwalaang bunga ito ng kahirapan lamang. Mas pinaniniwalaan kong bunga ito ng ating makabanyagang kaisipan.
Ang Ingles na isang banyagang wika ay mas nauuna nang natututunan ng mga paslit ngayon. Higit tayong nasisiyahan sa mga bagay na imported. Hindi ba’t kinukunan pa natin ito ng mga litratro at ipinakikita sa lahat gamit ang mga social networking sites? Sino ang hindi umaawit ng mga kanta ni Beyonce at sino ang hindi sumasayaw sa saliw ng tugtuging nagmula sa boses ni Rihanna? At higit sa lahat, sino ang hindi pa nakakapanood ng mga banyagang pelikula? Ako man ay labis na nahuhumaling sa mga Koreanong musika at Koreanong pelikula. Sa palagay ko ay hindi lamang sa ating bansa nauuso ang mga tulad nito. Ang mga ito ay maaring normal lamang sa buong mundo, subalit may isang bagay lamang akong hindi malunok sa ‘Colonial mentality’ na ito. Ito ay ang katotohanang ang madaming bilang ng mga kabataan sa panahon ngayon ay tinuturuang mangarap ng ‘dual citezenship’, green card, American dream at marangyang buhay sa labas ng bansa.



Nakakapang-akit nga naman ang isnow. Nakakapang-akit nga naman ang mabuhay sa isang bansang walang binabayarang buwis. Nakakapang-akit nga naman ang nagtataasang gusali, ang hanging amoy imported, ang burgis na mga kagamitan, mga branded na damit, malinis na kakalsadahan, naglalakihang establisyemento at higit sa lahat ang malutong na dolyar na iyong kikitain. Sino ba naman ang hindi naiinis sa mabahong siyudad ng Maynila? Sino ang hindi nagsasawa sa mga pagmumukha ng mga mamamayang walang disiplinang nagkakalat at dumudura kung saan saan? Sino ba ang hindi napipikon sa napakainit na klimang mayroon tayo? Sino ba ang hindi naaakit na mapabilang sa isang ‘First World Country’? At higit sa lahat, sino ba ang ayaw tumakas sa mahirap na buhay na naghihintay sa mga mananatili? Mahirap ang Pilipinas. Batid ito ng buong mundo,at higit sa kanino pa man ay batid natin ito.
Tumakas ka! Yan na lamang ang tanging pag-asa! Tumakas ka at dalhin mo ang iyong buong pamilya. Palakihin mo sa ibang bayan ang iyong mga anak at ang kanilang mga magiging anak. Akapin mo ang kanilang kultura at ibigin ang kanilang mga gawi. Isabuhay mo rin ito, Isuot mo ito at ipahayag mo ito sa iyong slang na pananalita. Umuwi ka sa iyong bayan na dala dala ang lahat ng ito. Ibaon mo ito kasama ng mga Balik Bayan Box na iuuwi mo. Yun ay kung babalik ka pa at maiisipan mo pang lumingon sa bayan mo. Ok lang iyan. ‘Practicality’ naman ang tawag diyan. Walang masama diyan. Ang totoo nga ay mabuti iyan. Hindi ba’t mga bagong bayani ang tawag ng midya sa mga lumilisan? Mag-aral ka ng apat na taon at ipasa mo ang licensure exam upang ikaw ay makapagtrabaho sa ibang bansa. Sulit naman lalo’t ang kapalit ng lahat ay ‘green card’. Ituro mo rin sa iyong anak na lumisan balang araw. Mabuti iyan! Palagi mong tatandaan na kung ano ang mabuti na sinasabi ng midya ay iyon ang totoong mabuti. Mabuti nga iyan! Mabuti. Mabuti. Mabuti. Hinayupak na mabuti iyan.
Mabuti. Higit nga bang mabuti ang paglisan kaysa sa pagiging makabayan? Higit nga bang mabuti ang marangyang buhay sa ibang bansa kaysa sa pagkakaroon ng marangyang bayan? Higit nga bang mabuti ang karangyaan kaysa sa kalayaan? Higit nga bang mas mahalaga ang ating sarili kaysa sa nakararami? Higit nga bang mahalaga ang iyong pangarap kaysa sa pangarap ng ating mga bayani?
Isa-isa na silang lumilisan. Marami na ang lumimot at hindi na bumalik. Nangangamba akong maglaho ang mga kabataang tulad ninyo na nasa aking harapan ngayon. Kayo na pinanghawakang magiging pag-asa ng bayan, Labis ang aking pangamba na isang umaga, sa aking pag-gising ay wala na pala ang lahat ng pinanaligan at ipinaglaban ng ating mga mandirigmang bayan.
Nagmamakaawa ako aking mga minamahal na kabataan. Wag kayong lumisan. Makialam kayo at magtulungang paramtan ang ating hubad at inaaping inang bayan. Dito lamang kayo at buohin ang isang mayaman at malayang Pilipinas. Isang Pilipinas na kayang makipagsabayan sa yaman, galling at talino ng iba pang bansa. Dito lamang kayo at manatiling tapat. Dito lamang kayo at pagtulungan nating pag-alabin ang patriotismo at nasyonalismo sa mga kabataang susunod sa ating henerasyon. Dito lamang kayo at huwag nating siyang iiwan. Siya ang ating ina sapagkat tayo ay nagmula sakanya. Siya ang ating tanging ina sa kabila ng kanyang mga pagkukulang at kahinaan. Siya ang ating ina na dapat nating paglingkuran at ipaglaban. Tayo ay mamatay para sakanya, subalit kung ito ay hindi man posible, tayo ay manatili.
Aking mga minamahal na kabatan… Wag ninyong kalilimutan na kayo at tanging kayo lamang ang pag-asa ng bayan. Muli, dito lamang kayo at manatiling isang Pilipino.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento